Lagi ko syang nakikita. Araw-araw 'yon.
Habang nasa klase ako, naglalakad s'ya sa kalsadang iyon. Dahan-dahan. Ang likod kasi ng classroom namin ay kalsada at lahat nang dumadaan ay nakikita ko. Nasa Likod ako ng klase kaya di ako masyadong pansin ni teacher kapag nakatingin ako sa labas .
Mal-let ang tawag sa kanya ng lahat. Isa siyang baliw. Pero ni minsan, ‘di ko sya nakitang nagwawala. O nanakit. Titigil lang sya sandali kapag nakakarinig ng tumatawag sa kaniya, at saka lalakad na uli, dahan-dahan. Sa tagal ko na sa lugar na 'yon, 'di ko rin nakita ang mukha nya. Lagi syang nakadamit nang mahaba. Madalas ay itim ito at nakatalukbong din ng itim na balabal. Ang alam ko lang ay mahaba ang buhok niya dahil lumalabas ito mula sa kanyang itim na balabal. Lagi syang pinagtatawanan ng mga kaklase ko kapag oras ng recess at makikita siyang dumadaan sa kalsadang nasa harap ng eskwelahan, habang ang lahat ay naglalaro sa ilalim ng malaking puno ng acacia. . Nasa kalsada siya maski mainit ang araw.
Sa aking pagtatanong at pangungulit sa aking tyahin na lagi kong pinupuntahan ;pag hapon bago umuwi sa kubo, nabanggit ng tiyahin ko na si Mal-let ay isang babaeng may malungkot na nakaraan.
"Maganda siyang babae," pagsisimula niya. "Subalit noong giyera at panahon ng mga Hapon ay ginahasa siya ng mga ito at iniwang walang malay sa gubat."
Nakatingin lang ako sa tiyahin ko habang patuloy syang nagkukwento. Pilit kong inuunawa ang kaniyang mga sinasabi sa kabila ng aking murang kaisipan. Di ko pa alam noon kung ano ang ibig sabihin ng salitang gahasa pero ipinaintindi rin ng aking tiya kung ano ito.
"Panahon noon ng giyera kaya't walang nagawa ang mga kababayan natin sa mga pinaggagagawa ng mga kalaban."
Mula noon, kapag nakikita ko si Mal-let, di ko alam kung ano ang gagawin ko. Ang nasa utak ko ay ang panahon ng giyera, bayoneta, kalaban, patayan. At isa siya sa mga nakaligtas.
"Swerte mo naman, " minsan naibulalas ko pa. Wala akong kausap.
Ngayong malaki na ako, at nakapag-aral sa kabilang bayan ng kolehiyo, doon ko na-realize kung ano si Mal-let. Narinig ko na rin sa radyo at nabasa sa mga dyaryo kung ano ang kaniyang mga pinagdaanan noong panahon ng giyera.
Tama. Isa siya sa mga naging comfort women noong mga panahong iyon. Subalit di n’ya ito nakayanan.
Noon pa 'yon. Bata pa ako noon. Malaki na ako ngayon at muli s'yang pumasok sa aking isipan. Nasaan na kaya si Mal-let? Buhay pa kaya siya?
Pag-uwi ko sa pasko, hahanapin ko sya. Gusto ko siyang makita. Bibigyan ko s’ya ng pamasko!
No comments:
Post a Comment