Isang araw, di ko makita ang baril-barilan ko. Yari 'yon sa sanga ng akasya. Inukit ni Amang para magkakorteng baril-barilan. Sa amin, di uso ang totoong baril-barilan o anumang laruan. Wala kaming pambili.
Naiinggit ako sa mga kalaro kong bata. Ang gaganda ng kanilang mga baril-barilan. Si Amang, marunong. Ginawan n'ya ito ng paraan. Gusto rin n'yang magkaroon kami ng mga laruan. Ang galing nya. Ginawan talaga n'ya ako. Malaki pa!
Lagi na iyong nakasukbit sa bewang ko mula nang ibigay ni Amang sa akin. Pero ewan ko ba. Noong araw na 'yon, di ko ito makita.
Dahil bata, di ako tumigil sa paghahanap dito. Lahat na yata ng sulok ng kubo namin, tiningnan ko na. Pati sa ilalim nito, sinuong ko na rin. Baka kasi nalaglag lang at naipit sa mga tinabas na tabla.
Sa kakasuot ko sa ilalim ng kubo, may nakita akong ahas. Malaking ahas!
"Ahhh!" Sigaw ko.
Kinagabihan, inapoy na ako ng lagnat. Di ito nawala hanggang kinabukasan.
Kinaumagahan, Inutusan ni Inang si Amang na sunduin ang albularyo sa kabilang baryo.
Namatanda daw ako sabi ng albularyo. Kailangang mag-kuskusip para itaboy ang espiritu na naglalaro sa akin. Noong araw, pag ang bata ay nagugulat, may ritwal na ginagawa. Kuskusip. Nagpakatay ang albularyo ng manok. May inihandang nganga, apog, mga kakanin na may nakapatong na nilagang itlog.
Kinahapunanan nang araw na iyon, habang nag-aagaw ang dilim at liwanag, nagpadasal sa amin. May dumating na mga babae. Matatanda na. Nakaitim. Tapos may itim din na panyong balabal na nakapatong sa kanilang mga ulo. Di ko maintindhan ang sinasabi nila. Parang Italian ang salita. Pagkatapos ng dasal ay umikot ang albularyo at ang mga babae sa buong kubo na may dala-dalang kandila. Ang albularyo ay may hawak na krus na may mahabang tangkay at doon nakasuot ang aking damit noong nakakita ako ang ahas, habang sumasambit ng dasal para sa ritwal.
Nagsunog din ng buhok, bunot ng nyog, pakpak ng manok sa isang bowl at ang usok niyon ang pinalanghap sa akin. Ang tawag yata doon ay suob. Ang baho! Ubo ako nang ubo noon at pinagpawisan ng todo!
Anyway, kinaumagahan, magaling na ako.
Para lang akong nagdahilan, sabi ng Inang ko.
Ang baril-barilan ko, di na nakita, pero si Amang, ginawan ako ng bago.
Yehey!
No comments:
Post a Comment