Tanda ko pa, kapag mahal na araw, isinasama kaming magkakapatid nina Inang at Amang sa maliit na kapilya sa puso ng barrio namin. Dala-dala ang ginawang palaspas na yari sa dahon ng buri or "silag", pinabibendisyunan ito sa pari. Ayon sa matatanda, ang nabendisyunang palaspas ay magandang pang bugaw sa mga aswang at panlaban sa mga mangkukulam kaya madalas na isinasabit ito sa pintuan o kaya sa may altar ng mga tahanan.
Sa gabi naman, isinasama kami sa prusisyon. Iginagawa ako ni Amang ng palakupak, isa itong pangtawag pansin na yari sa kawayan. Ito ay makikita madalas sa mga barrio at ginagamit imbes na paputok.
Dala-dala ang aming antigong rebulto ng santo, umiikot ang prusisyon sa buong barangay at dinadaanan ang mga kubol-kubol na ginawang estasyon ng krus. Bawat tigil sa estasyon ay inaabot ng 5 hanggang sampung minuto dahil sa mga dasal at kantang inuukol dito. Inaabot ang prusisyon ng ilang oras.
courtesy of wikipilipinas
Isang nakakatawag pansin tuwing mahal na araw ang pagbabasa ng pasyon sa amin. Nasa bukid kami pero dinig na dinig ko ang lakas at tining ng mga matatandang nagbabasa nito na may tonong paroo't parito.
Hay, nakakamiss ito lalo pa't panahon ng mahal na araw ng ako ay patulian ng aking Amang sa kaibigan niyang albularyo. . .
Habang nasa klase ako, naglalakad s'ya sa kalsadang iyon. Dahan-dahan. Ang likod kasi ng classroom namin ay kalsada at lahat nang dumadaan ay nakikita ko. Nasa Likod ako ng klase kaya di ako masyadong pansin ni teacher kapag nakatingin ako sa labas .
Mal-let ang tawag sa kanya ng lahat. Isa siyang baliw. Pero ni minsan, ‘di ko sya nakitang nagwawala. O nanakit. Titigil lang sya sandali kapag nakakarinig ng tumatawag sa kaniya, at saka lalakad na uli, dahan-dahan. Sa tagal ko na sa lugar na 'yon, 'di ko rin nakita ang mukha nya. Lagi syang nakadamit nang mahaba. Madalas ay itim ito at nakatalukbong din ng itim na balabal. Ang alam ko lang ay mahaba ang buhok niya dahil lumalabas ito mula sa kanyang itim na balabal. Lagi syang pinagtatawanan ng mga kaklase ko kapag oras ng recess at makikita siyang dumadaan sa kalsadang nasa harap ng eskwelahan, habang ang lahat ay naglalaro sa ilalim ng malaking puno ng acacia. . Nasa kalsada siya maski mainit ang araw.
Sa aking pagtatanong at pangungulit sa aking tyahin na lagi kong pinupuntahan ;pag hapon bago umuwi sa kubo, nabanggit ng tiyahin ko na si Mal-let ay isang babaeng may malungkot na nakaraan.
"Maganda siyang babae," pagsisimula niya. "Subalit noong giyera at panahon ng mga Hapon ay ginahasa siya ng mga ito at iniwang walang malay sa gubat."
Nakatingin lang ako sa tiyahin ko habang patuloy syang nagkukwento. Pilit kong inuunawa ang kaniyang mga sinasabi sa kabila ng aking murang kaisipan. Di ko pa alam noon kung ano ang ibig sabihin ng salitang gahasa pero ipinaintindi rin ng aking tiya kung ano ito.
"Panahon noon ng giyera kaya't walang nagawa ang mga kababayan natin sa mga pinaggagagawa ng mga kalaban."
Mula noon, kapag nakikita ko si Mal-let, di ko alam kung ano ang gagawin ko. Ang nasa utak ko ay ang panahon ng giyera, bayoneta, kalaban, patayan. At isa siya sa mga nakaligtas.
"Swerte mo naman, " minsan naibulalas ko pa. Wala akong kausap.
Ngayong malaki na ako, at nakapag-aral sa kabilang bayan ng kolehiyo, doon ko na-realize kung ano si Mal-let. Narinig ko na rin sa radyo at nabasa sa mga dyaryo kung ano ang kaniyang mga pinagdaanan noong panahon ng giyera.
Tama. Isa siya sa mga naging comfort women noong mga panahong iyon. Subalit di n’ya ito nakayanan.
Noon pa 'yon. Bata pa ako noon. Malaki na ako ngayon at muli s'yang pumasok sa aking isipan. Nasaan na kaya si Mal-let? Buhay pa kaya siya?
Pag-uwi ko sa pasko, hahanapin ko sya. Gusto ko siyang makita. Bibigyan ko s’ya ng pamasko!
May duyan kami sa bahay. Nasa ilalaim ito ng mga puno sa tabi ng aming kubo. Dito kami naglalaro at nagkukwentuhan ng mga kalaro ko. Yari ito sa uway (rattan) at kasya ang tatlo.
Masarap humiga dito, lalo na kapag hapon, pagkatapos mananghalian. Kay sarap matulog dito, habang dinarama mo ang salamisim ng malamig na hangin mula sa kabukiran. Mga huni ng mga ibon na musika sa ating pandinig.
Ang duyan din na ito ang gamit sa amin sa pagdadala ng mga maysakit patungo sa ospital sa bayan. Wala kasing sasakyan na nakakarating sa amin. Kapag may mga maysakit na di na kayang maglakad, lalo na sa maputik at makikitid naming kalsada, dito sila isinasakay. Itinatali ang duyan sa isang kawayan, at binubuhat ng dalawang kalalakihan sa magkabilang mga dulo nito.
Nakakalungkot, pero marami nang namatay sa amin habang dinadala sa ospital, lulan ng duyan na ito.
Tanda ko pa.... Nasa Grade 2 lang ako noon sa mababang paaralan sa lugar namin. Kailangang dahil sa bayan ang uncle ko dahil masakit ang dibdib at di makahinga. Na-aksidente kasi sya apat na araw na ang nakakaraan. Nabangga ang tims (mini-bus) na sinakyan n'ya patungong Carmen (sa Rosales, Pangasinan). pagkabangga, sumadsad sya sa likod ng upuan na na nasa unahan niya. Para naman daw walang nangyari pero pag-uwi nya sa bahay nila, di na sya makahinga at nahihirapang tumayo.
Noong umagang na iyon, dumaan pa ako sa bahay nila para sunduin ang pnsan ko papasok sa eskwela. Nakita ko pa ang Auntie ko na hinihilot ang dibdib ni Uncle dahil di daw sya makahinga.
Bandang tanghali, kailangan na daw dalhin sa bayan si Uncle dahil di na ito makagalaw. Di daw makahinga at nagsusuka ng dugo. Sabi nila, baka daw may nabaling buto sa dibidib nya dahil sa pagkabangga ng sinakyan nya noong nakaraang araw.
Bandang hapon, mga alas tres, habang nasa eskwelahan kami ng pinsan ko, may dumating na kabitbahay para kaunin ang pinsan ko. Inuwi na raw kasi ang amang nya. Habang buhat daw sya lulan ng aming duyan patungong ili (bayan), nalagutan sya ng hininga doon sa laud, malapit sa turod.
Gabi na. Inabot kami ng dilim sa daan galing sa sementeryo. Sinindihan ni Inang ang kandila. Ito ang ilaw namin sa gabi. Dati, gasera. Isang bote na may lamang ga-as at may pabilong tela. Nakakatuwa kasi paggising ko sa umaga, nangingitim ang loob ng ilong ko. Mahilig pa naman akong mangulangot sa umaga, haha!
Si ate, lagi akong ini-inggit. sabi niya, napakaganda raw sa Maynila, lalo na sa gabi. Ito daw ang nagbibigay buhay sa kabuuan ng malaking siyudad.
"Di bale, makakarating ka rin doon, " sabay tapik sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko sa tuwa!
"Oo." sambit n'ya. "Basta pagbubutihin mo ang pag-aaral mo. Iyan ang magiging puhunan mo pagdating mo doon."
Nakangiti akong nagbasa ng aking mga aralin noong gabing iyon. Mula noon, pinangarap ko na’ng makarating sa Maynila.
Di ko alam kung dapat kong ikwento ito. Pero sige na rin.. Totoong kwento at karanasan ko naman ito, eh, haha! Pista na rin lang ng mga patay at uso ang mga kwentong nakakatakot... pagbigyan nyo na ako.
Medyo malayo ang kubo namin sa baryo. Kaya pag pumapasok ako sa eskwela, napapadaan ako sa isang bahay na iyon.. Wala lang.. nakikiraan lang naman kaya di ko yon pansin. Pero isang araw, nang papauwi na ako mula sa eskwela kasama ng isa kong kaibigan, may kakaiba sa bahay na iyon. Bandang alas tres 'yon ng hapon. Madaming tao.
Excited si Ate na nasa Manila kapag araw ng mga patay. 'Yon lang kasi ang araw na nakakauwi sya sa amin. At saka Pasko, syempre.
Sa araw na ito, sama-sama kaming pumupunta sa sementeryo. Sa puntod ng mga magulang nina Amang at Inang. Malayo ang sementeryo sa amin. Doon pa sa paanan ng bundok. Kapag nasa malayo ka, makikita mo agad sya kasi may kulay na mga puti.. Yon eh kung may bagong pinturang nitso.. Pag luma na, wala ka nang makikita lalo na kapag tumubo na ang mga talahib sa paligid ng sementeryo at mismong sa mga libingan.
Isang araw, di ko makita ang baril-barilan ko. Yari 'yon sa sanga ng akasya. Inukit ni Amang para magkakorteng baril-barilan. Sa amin, di uso ang totoong baril-barilan o anumang laruan. Wala kaming pambili.
Naiinggit ako sa mga kalaro kong bata. Ang gaganda ng kanilang mga baril-barilan. Si Amang, marunong. Ginawan n'ya ito ng paraan. Gusto rin n'yang magkaroon kami ng mga laruan. Ang galing nya. Ginawan talaga n'ya ako. Malaki pa!
Lagi na iyong nakasukbit sa bewang ko mula nang ibigay ni Amang sa akin. Pero ewan ko ba. Noong araw na 'yon, di ko ito makita.
Noong medyo lumalaki na ako at na-uutusan na ni Amang na magpastol nito. Ipagkakatiwala nya sa akin ang putikang kalabaw, matapos mag-araro sa bukid. Wheww! Katakot! Hahaha!
Kukunin ko ang sako at ilalatag sa putikang likod niya, sabay lundag na ako para sumakay. Pag sinuwerte, abot ako. Pero pag minalas malas, di ako maka-akyat at dumadausdos ako pababa, kasama ang sako.. Madalas akong di umaabot, hehe!
Dinadala ko ang kalabaw sa pinakamalapit na sapa (tanggal). O di kaya, sa malalim na parte ng bukid o burobor . Noong araw na iyon, sa tanggal ko sya dinala. Medyo malalim ang tanggal kasi kakatapos lang ng malakas na ulan. Nang malapit na kami, nagmadaling lumusong ang kalabaw ko dito. Di ko sya mapigilan at ang "hayop", marunong lumangoy.. Dinala ako sa malalim. Saka humiga!!! Waahhhh!
Sabay ako sa paghiga nya. Pinilit kong ibalanse ang murang katawan ko para di ako malaglag, pero ayun, nahulog pa rin ako sa tubig. Naipit ang isa kong paa sa kanyang paghiga at nalublob sa ilalim ng maputik na sapa ang aking step-in. Ayayay!!! Umuwi akong iisa ang tsinelas, bagong paligo na rin, hahaha!
Isang di makakalimutang karanasan ng aking kabataan -- kapiling ng aming kalabaw.
Ikaw, Naranasan mo na ba ito? Di ka taga probinsya pag di ka pa nakasakay ng kalabaw.
Tanda ko pa noong maliit pa ako: Isinasama ako ng Amang ko sa bukid. Sakay ng isang kalabaw, pumipito s'ya at paminsan-minsa'y nag ha-hum ng isang awitin. Sa aking murang isip, di ko alam kung nasa tono sya. Lately ko na lang nalaman: kapag daw ang isang tao ay marunong kumanta, nakakapag hum ito at nakakapito ng maayos. Na-realize ko rin na sintunado ang Amang ko. Di nga s'ya marunong kumanta. Never ko s'yang narinig na kumanta.
Pagdating sa bukid, dali-dali akong maghuhubo'y hubad at saka tatakbo at lulundag sa isang maliit na sapa. Malinis ito at di gaya ng ibang sapa na amoy burak at kulay gray or madumi ang tubig dahil pinaliliguan ng mga kalabaw at pinagtatampisawan ng mga malilikot at maiingay na bibe at mga itik! Kakaiba ang sapang ito dahil galing sa bukal ang tubig nito na patuloy na umaagos at pumupuno sa sapa.. At kapag umaapaw na ang tubig sa pilapil, maikukumpara ito sa isang infinity pool ngayon, dangan nga lamang at ang ilalim nito ay lupa pa rin, at siyempre walang chlorine na nagbibigay kulay dito. Natural ang kulay nito na kung tititigan mo'y nangingislap sa replekyon ng araw.